90.00 PHP per hour na sahod, sapat at tama nga ba? Mabigat ang usapin na’to sapagkat nangyayari at totoo.

Karamihan sa mga ESL companies dito saatin ay nagbawas ng incentives, nagbawas ng tao at nagbaba ng rate. Isa na dun ang ESL company kung saan ako napapabilang. Maraming ESL teachers ang umayaw, at madami din ang nagpatuloy. May kanya kanyang dahilan.

Ang post na’to ay naglalayong magbigay ng linaw ukol sa naturang usapin. Kung sapat nga ba, sakto lang or parusa at ayawan na ang 90.00 PHP hourly rate.

Para masagot natin ang tanong na iyan ay kailangang meron tayong malinaw na basehan. Alamin muna natin kung ano ang basic pay ng isang guro dito sa Pilipinas- private or public teacher.

Magkano ang sweldo ng isang guro?

Ang isang bagong public school teacher ay nagsisimula sa salary grade 11 or humigit kumulang 21,000.00 PHP. Kung 160 hrs kada buwan ang trabaho (8 hrs per day x 5 days x 4 weeks*), nasa 131.25 PHP ang kanyang hourly rate.

Ang isang private school teacher naman ay mas mababa ang nakukuha. 8,000.00 PHP to 15,000.00 PHP ang sweldo depende sa kakayanan ng private school na mapapasukan. Lumalabas 50.00 PHP to 93.75 PHP ang hourly rate.

Ngayon meron na tayong point of comparison. Masasabi nga bang tama ang 90.00 PHP hourly rate na nakukuha ng isang bagong ESL Teacher?

Magkaibang Point of View

Sa paningin ng isang public teacher na may balak maging isang ESL Teacher full time or part time man, napakababa ng 90.00 PHP hourly rate. Kung ang isang private teacher naman ang tatanungin, eh sapat at jackpot na ang 90.00 PHP.

So yun, ika nga, depende sa eye of the beholder! Haha. Maganda sa paningin mo, bakekang naman sa paningin ng iba.

Nasagot na ba natin ang tanong? Pwede naman na.

Sapat o hindi?

Pero syempre isisingit ko ang sarili kong haka-haka at biased na opinyon. Para saakin- HINDI SAPAT ANG 90.00 PHP.

Mahirap mamuhay sa 14,000.00 PHP monthly salary. Kahit sabihing single ka or nagsisimula palang sa buhay, kilala mo na si Judith- tubig, kuryente, load or kung medyo sosyal- postpaid plan, internet, pangdate, gala, savings, gamot sa sakit ng ulo at broken heart, insurance, pagkain sa araw-araw, at pera para kay mama, papa, at sa batugan mong kapatid. Ewan ko lang kung magiging masaya ka sa 14K na sahod sa panahon ngayon. Kung tatanungin mo si Joe The Mango, sasabihin nya sayo na- you are living from paycheck to paycheck.

Eh paano pa kung may asawa ka na at tatlong anak na nag-aaral?! OMG.

Ok, alam ko may magsasabi na kaya namang mamuhay sa 14,000.00 PHP na sweldo. Oo kaya naman. Magtipid, maging mapamaraan, dumiskarte. Naalala ko yung grade 4 teacher ko na nagtitinda ng mani. Pero yun nga, para saakin, mahirap. Hindi pala, sobrang hirap!

Kung sapat na sayo ang 14,000.00 PHP na monthly income at masasabi mong nakakamit mo ang basic needs at magandang buhay, maswerte ka. Lucky you, but not lucky me.

Ok na ang 90.00 Php/hr

Kung ikaw naman ay nasa side ko na hindi sapat, marahil ay magtatanong ka- bakit may kumakagat sa 90.00 PHP per hour?

Dahil nga hindi parepareho ang ating kinalalagyan, pangangailangan, at katayuan sa buhay.

Maaaring pumayag sa 90.00 PHP per hour na sweldo ang isang nilalang** sa mga sumusunod na dahilan:

  1. SAPAT NA. Marahil ay nasa estado ka ng buhay na walang ibang binubuhay kundi ang sarili lamang at may nakukuha pang suporta galing sa kamag-anak or magulang.
  2. NO OTHER CHOICE. Tangapin ang trabaho ng ESL Company na nag-alok sayo ng 90.00 PHP per hour at maassure na kahit papano may sasahurin ka sa katapusan at hindi ka na ulit kakain ng pagpag. (Medyo extreme na example, pero gets mo ang kalagayan ng walang ibang choice?). There is a more apt na kasabihang pinoy- KAPIT SA PATALIM.
  3. WALANG SAPAT NA KAKAYANAN OR KARANASAN.
    i. Walang sapat na kakayanan- yung gustong maging ESL Teacher pero nalilito pa sa Subject-Verb Agreement.
    ii. Walang sapat na karanasan- newbie kumbaga, virgin at nangangatog pa, kulang sa lakas ng loob.

Nakikita ko na yang pagmumukha mo na bumubulong-bulong- “Pwede, pwede, rock n roll yang mga pinagsasabi mo!”

Ngayon nag-iisip ka- “Hindi sapat saakin ang 90.00 PHP hourly rate, may choice ako- meron pa ibang ESL Company na maghahire saakin dahil meron naman akong dalawang K.”

Then good for you.

Ang dapat na itanong

Pero nais kong pag-isipan mo ang ang mas malalim na tanong. Bakit ang lakas ng loob ng mga ESL Companies na yan na magtakda ng 90.00 PHP hourly rate?

Para saakin, hindi ko masisisi ang mga taong pumapayag sa 90.00 PHP per hour na sweldo. Kesyo hindi na tumataas ang rate ng mga matatagal na sa ESL jobs dahil sa kanila. Dahil ang dami nilang kumakagat at pumapayag sa mababang sweldo.

Ang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang mga ESL Companies na nagooffer ng 90.00. Bakit di nila gawing 150?

Mahabang sagot- Abangan sa susunod na post. (Haha, ginawang serye!)

Ang maiksing sagot- dito sa Pinas, they can get away with it!

*Simpleng computation lang po yan dahil hindi kaya ng grey matter ko ang salary computations.
**Kapag nababanggit ang salitang nilalang- naiisip ko si Taguro/Toguro.