Call Center Agent or ESL Teacher- ano nga ba ang mas magandang trabaho? Kung ikaw ay kasalukuyang nagdedecide or may balak na magtrabaho sa isa sa mga nasabing industry, well, tama ang napuntahan mong blog ngayon.

Dito ay paguusapan natin ang mga bagay na pwedeng makatulong sa sinuman na nagbabalak na sumabak sa trabaho bilang isang ESL teacher or call center agent.

Background ko po

Bago naman tayo magsimula, hayaaan mo muna akong buhatin ang sarili kong bangko para magmukha naman akong may alam sa mga sasabihin ko dito. (wink, wink!)

Dati po akong nagtrabaho sa isang call center company sa loob ng walong taon. Sa loob ng panahon na yun, madami akong natutunan syempre. Iba-ibang tasks ang aking nagawa. Nagsimula sa mga inbound calls, disputes resolution, hanggang sa back office. Medyo madugo kasi financial account, pero kaya naman kahit papaano.

Sa walong taon na yun, nalaman ko ang pasikot sikot para makasurvive bilang isang rank and file call center agent. Mahirap, sa hirap ng buhay ay naglalako ako ng pagkain at ibang gamit sa office kahit na alam kong hindi pwede. Ang nakakatuwa nga lang ay may mga taong nakakaunawa at nakakarelate sa sitwasyon ko kaya sila din ang madalas na bumili at tumatangkilik sa mga paninda ko. Tip- madami palautang na agents kaya mag-ingat sa salitang- “maya na ang bayad magwiwithdraw palang ako.”

Pagdating naman sa ESL teaching, masasabing newbie palang ako dahil mahigit isang taon palang ang experience ko dito. Nagsimula ako bilang isang normal na teacher at naging abnormal na pagkalipas ng ilang buwan. Ang ibig kong sabihin, nabigyan ako ng pagkakataon na bumuo at humawak ng sarili kong team of ESL teachers. Yes, opo. Bumuo as in magrecruit, magtrain at ayusin lahat ng kailangan ng isang ESL teacher para makapagsimula siyang magturo.

Ayan, tapos na maiksing patalastas.

Ituloy natin

Para sa akin, mahirap both. Kung may nagsasabi sayo na- “Sis, dito ka na madali lang ang trabaho!” Tadyakan mo agad. Haha. Lahat ng trabaho, may kaakibat na hirap. Mapa-call center agent man o ESL teacher, hindi sila petiks na trabaho. Yan itaga mo sa kokote mo.

“Oo na, mahirap magtrabaho. Pero gusto ko malaman kung ano sa dalawa ang mas maganda, ESL teacher o call center agent?”- marahil yan na ang binubulong-bulong mo ngayon.

Sige. Punta na tayo dyan. Atat.

Tulong para makapagdesisyon

Para organized ang usapan, tulungan natin ang sarili natin na magdecide sa pamamagitan ng mga sumusunod na categories:

  1. Salary
  2. Benefits
  3. Quality of life

SALARY

Bilang isang call center agent, mas angat ka pagdating sa seguridad ng sweldo. Pagdating ng payday, kung ano ang basic pay mo, yun ang iyong makukuha. May call ka or wala, or queuing or may outage ang system ng company mo- walang bawas sa sweldo. Hindi hamak na mas mataas din ang basic pay ng mga nasa call center kumpara sa ibang industry. Dahil sa regular at consistent ang income mo ay madali lang sayo na magbudget at magplano.

Sa ESL teacher naman, karamihan ang rule ay no work, no pay. Kapag walang turo, walang bayad. That means wala kang income. Remember, madami kayong teachers sa teaching pool. That means madaming mapagpipilian ang mga estudyante. You have to sell yourself. Kung naguumapaw at sadyang madami ang estudyante, wala kang magiging problema sa booking. Pero kung nagkakagipitan, kailangan ay talagang todo perform ka para tangkilikin ka ng mga students. Downside- hindi fixed ang monthly income. Upside- pwede ka kumita ng malaki kung magaling kang teacher.

Hatol: Kung security of income, panalo ang call center agent. Kung medyo risk taker at magaling ka, sa ESL teaching may chance ka na kumita ng mas malaki.

BENEFITS

Government mandated benefits gaya ng SSS at HDMF contributions, yan ang sure na matatanggap mo bilang isang call center agent. Ang taxes mo din ay automatic na ibabawas ng employer mo sa iyong sweldo at sila na ang magreremit sa gobyerno on your behalf. Nandyan din ang libreng HMO na malaking tulong sa oras na ikaw ay magkasakit or kahit sa mga simple at routine checkups.

Ang mga nabanggit ay mga basic na benefits na iyong matatangap bilang isang call center agent. Kung maayos ang company na iyong mapapasukan, maraming perks kang makukuha gaya ng paid vacation at sick leaves, paternity/maternity leaves, stocks, retirement fund, performance bonus, attendance bonus, at kung anu-ano pang fancy na pangalan para sa mga additional benefits.

Kung anong dami ng benefits ang pwedeng matanggap ng isang call center agent, sya namang tumal ng para sa isang ESL teacher. Kung work from home ka, malamang sa malamang eh ang status mo or relationship mo sa isang ESL Company ay isa kang contractor/freelancer. Kumbaga, hindi ka hired as employee ng ESL company bagkus ay nagbibigay ka ng serbisyo bilang isang indibidwal. Sa ganitong sitwasyon, wala kang makukuhang employee benefits- dahil nga sa hindi ka nila empleyado. Ibig sabihin, lahat ng SSS, HDMF, taxes, HMO mo, kung gusto mong makinabang sa mga services nila, out of pocket mo na babayaran. Sa madaling salita, sayo lahat at walang pera na ibibigay ang ESL company para icover ang mga yun. Isa pa, ang mga gamit na kailangan gaya ng computer, internet, kuryente, backup na internet, backup na power source, etc., lahat yun ay ikaw ang maghahagilap para makapagtrabaho.

Dapat malinaw sayo kung ano status mo bago ka pumirma ng contract, magbasa at magtanong para maging maliwanag lahat. Yun nga, hindi yan madalas napapag-usapan. Magugulat ka nalang bigla na yun pala yun. Haha. Kung ang isang ESL company ay direct hiring, meaning, magiging employee ka talaga nila- maswerte ka. That means, you can enjoy the same benefits na nakukuha ng isang call center agent.

Hatol: Call center agent ang panalo dito by default. (kindat!) Kung freelancer/contractor ka as an ESL teacher, tagilid ka sa mga benefits. Pero kung hired ka directly ng ESL company, you’ll enjoy the same benefits, gaya ng nasa call center. (Wala pa akong alam na ESL company na ganito ang setup- please let me know sa comment section kung may alam kayo at itsismis nyo saakin. Hehe)

QUALITY OF LIFE

Kilala ang call center industry bilang isang stressful at toxic workplace. Dahilan siguro sa nature ng trabaho. Unang una, karamihan sa gabi ang trabaho dahil nga ang mga clients ay nasa ibang bansa. Dahil dito, malaking adjustment sa isang bagong agent ang matulog during the day at magtrabaho sa gabi. Kakaharapin mo din ang mga customers na madalas ay nasa highly stressful situations. Alam mo man ang iyong gagawin sa ganung sitwasyon, eh hindi pa din maiiwasan na maapektuhan ka. Kung paulit ulit mo na nararanasan ang mga ito gaya ng pabago-bagong working schedule, stressful customers at mga imposibleng metrics, malaki ang chance na matuto kang manigarilyo, uminom, at magparty kasama mga tropa para magtanggal ng stress. Kalaunan ay mararamdaman mo na ang epekto ng ganitong lifestyle sa iyong katawan, sa iyong sarili, at higit sa lahat sa mahal mo sa buhay.

Hindi naman lahat. Meron naman syempre nakakapag-adjust ng maayos at nagiging productive ang buhay bilang isang call center agent. Pero in general, yan ang mga dahilan kung bakit bumababa ang quality of life ng isang call center agent.

Sa kabilang banda, ang isang ESL teacher ay walang masyadong stress na nararanasan sa trabaho. Medyo maluwag din ang schedule ng isang teacher dahil meron siyang option na pumili ng oras kung kelan nya gustong magtrabaho. Provided syempre na maibibigay nya ang minimum hours na nirerequire ng isang ESL company. Dahil meron ganitong kalayaan ay may chance ang teacher na gumawa ng ibang productive na activities, ex. maglaro kasama pamilya, manood ng paboritong palabas, etc.

Hatol: Panalo ang ESL teacher sa category na’to.

Pangwakas na salita. Ultimo adios.

Base sa tatlong categories, parang panalo ang call center agent. Regular ang sahod, may magandang benefits, at kung kaya mong ihandle ang stress na dulot ng pagtatrabaho sa call center, ito marahil ang babagay sayong trabaho. Kaya nga obvious na majority ng mga nagtatrabaho sa call center ay mga bata pa, madalas fresh graduate. Dahil kaya ng katawan nila na ihandle ang punishment na dulot ng trabaho. Yung mga well adjusted sa ganitong buhay, sila din ang umaakyat sa tinatawag na corporate ladder.

Pero hindi hamak na merong selling points ang ESL. Unang una ay ang option na magwork from home. Kung ikaw ay pagod na sa daily commute, at sawa na din sa mga ka office mo, eh pasok ka sa ganitong trabaho.

Ano man ang mapili mo, ang mahalaga ay sure ka sa’yong decision. Kumbaga eh, napagmunimunihan ng mga 365 days. Dahil nga nasabi ko sa una, LAHAT NG TRABAHO AY MAHIRAP. Ang tanging makakapagpabangon sayo tuwing umaga (or gabi) para magsimulang magtraho ay kung ano ang nasa kaibuturan ng puso mo. Kung ano ang nagbibigay sayo ng motivation para ipagpatuloy ang pagiging ESL teacher or call center agent.

Ang cheezy ng ending, charot!